Hinikayat ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Department of Agriculture–Bureau of Plant Industry at Philippine Statistics Authority na isapinal at ipatupad na ang kanilang Memorandum of Agreement sa isinagawang pagdinig ng komite sa Senado kasama ang mga opisyal ng DA at iba pang kaukulang ahensya.
Matagal nang inirereklamo ng mga lokal na magsasaka ang sabay-sabay na pagbaha ng mga imported na produktong agrikultural gaya ng bigas at sibuyas sa merkado lalo na sa panahon ng anihan, na nagpapabagsak sa farmgate price at nagbabaon sa kanila sa pagkalugi.
Sa pamamagitan ng isinusulong na kasunduan, ibabatay na ng DA-BPI ang paglalabas ng import permits sa aktuwal at opisyal na datos ng PSA ukol sa lokal na ani at suplay, upang maiwasan ang sobra-sobra at maling tiyempo ng importasyon.
Sa pagdinig, muling nabuksan ang pangangailangan sa mas mahigpit na koordinasyon at data-sharing sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka habang tinitiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa.
Bilang tugon sa panawagan ni Pangilinan, kinumpirma ng mga kinatawan ng mga sangkot na ahensya na nakalagda na sila sa naturang kasunduan at naghihintay na lamang ng iskedyul para sa ceremonial signing bago ito tuluyang ipatupad.
Inaasahang sa oras na pormal na mailunsad ang kasunduang ito, magiging mas sistematiko at nakabase sa aktuwal na pangangailangan ang pag-angkat ng mga produktong agrikultural.
Isang hakbang ito na matagal nang hinihiling ng sektor ng agrikultura upang hindi na maipit sa lugi ang mga lokal na magsasaka.














