-- Advertisements --

Inaasahan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang posibleng pagbibitiw sa puwesto ng ilang opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) kasunod ng panibagong pagpapaliban sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, hindi na nakapagtataka kung may mga SK official na magdesisyong magbitiw dahil sa patuloy na paghaba ng kanilang panunungkulan.

Paliwanag ng poll chief, may ilan sa mga ito ang nakapagtapos na ng kolehiyo at nais nang magtuon ng pansin sa paghahanap ng trabaho at iba pang plano sa kanilang karera.

Dahil dito, nauunawaan ng komisyon kung may mga kabataang opisyal na mas pipiliing tahakin ang ibang oportunidad sa halip na ipagpatuloy ang kanilang tungkulin sa pamahalaang barangay.

Matatandaang ilang beses nang ipinagpaliban ang BSKE, na nagresulta sa pagpapahaba ng termino ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan.