-- Advertisements --

Patuloy na pinalalakas ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga hakbang nito upang matiyak ang sapat na suplay ng inuming tubig at maibsan ang epekto ng El Niño sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bilang bahagi ng agarang pagtugon, naghatid ang OCD CALABARZON ng mga suplay ng bottled water sa Cavite Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Layunin ng hakbang na ito na suportahan ang lokal na pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad na higit na nararamdaman ang kakulangan sa tubig dahil sa matinding tagtuyot.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na disaster council upang matukoy ang iba pang lugar na nangangailangan ng kagyat na ayuda at suplay ng malinis na tubig.

Tiniyak naman ng OCD na nakahanda ang kanilang mga tanggapan sa iba’t ibang rehiyon upang maghatid ng tuloy-tuloy na tulong habang umiiral ang epekto ng El Niño sa bansa.