-- Advertisements --

Inilahad ng Truth Commission na umabot na sa 8,320 ang mga naidokumento nilang nasawi sa kampanya kontra droga o war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, mula 2016 hanggang 2022.

Ayon sa komisyon, bawat pangalan ng mga nasawi ay may katumbas na impormasyon at sangguniang maaaring beripikahin ng publiko.

Mas mataas ang naturang bilang kumpara sa 6,252 na kinikilalang nasawi sa mga operasyon ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency hanggang Mayo 2022.

Gayunman, mas mababa naman ito sa 12,000 hanggang 30,000 na bilang ng mga nasawi na binanggit ng prosecutor ng International Criminal Court o ICC.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Truth Commission Commissioner Carlos Conde, sinabi nitong lumitaw sa kanilang pag-aaral at pakikipag-usap sa mga pamilya ng mga biktima ang ilang magkakatulad na pattern sa mga naganap na pagpatay.

Batay sa paunang ulat, nasa 96.6% ng mga nasawi ay mga lalaki, habang 60 naman ang mga batang kabilang sa talaan. Ang pinakabata sa mga ito ay isang taong gulang.

Naitala rin ang mga pagpatay sa 730 lungsod at bayan sa bansa, kung saan 56% ng mga nasawi ay mula sa Metro Manila at Central Luzon.

Hindi pa rin itinuturing na pinal ang 8,320 dahil patuloy pang nangangalap at nagbeberipika ng mga impormasyon ang komisyon.

Samantala, bukod sa mga pamilya ng mga nasawi at iba pang survivor, inaasahan ding makikibahagi ang ilang miyembro ng Philippine National Police sa mga isasagawang truth-telling sessions ng komisyon.

Ayon kay Conde, bibigyan din ng pagkakataon ang mga pulis na ilahad ang kanilang nalalaman, kabilang ang mga naging aksyon nila at mga utos na kanilang natanggap kaugnay ng kampanya kontra droga.

Patuloy naman ang panawagan ng komisyon sa mga dating at kasalukuyang law enforcement personnel na makiisa sa proseso upang mailahad ang buong pangyayari at matukoy ang pananagutan sa mga naganap na pagpatay.

Inaasahang ilalahad ang unang ulat ng komisyon sa Nobyembre 23 sa Philippine Normal University sa Maynila, habang nakatakda namang magsimula sa Nobyembre 30 ang paglilitis kay Duterte sa ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity.