-- Advertisements --

Si dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group chief Gabriel Go na ang mamamahala sa operasyon ng EDSA Busway.

Ito ay matapos italaga bilang bagong Assistant Secretary ng Department of Transportation (DOTr), kapalit ni dating Assistant Secretary Jose “Tracker” Lim.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, si Go ang mangangasiwa sa EDSA Busway na dati ring sakop ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT).

Inaasahan ng kalihim na makatutulong ang karanasan ni Go sa pagpapatupad ng mga operasyon sa kalsada upang masiguro ang maayos na serbisyo sa mga commuter.

Matatandaang inililipat na sa DOTr ang buong pamamahala sa EDSA Busway upang maiwasan ang pagkaantala sa paglalaan ng pondo para sa operasyon at maintenance nito.

Nais din ni Dizon na mapasailalim sa DOTr ang pamamahala sa mga footbridge na konektado sa EDSA Busway at MRT-3 upang magkaroon ng iisang ahensyang mananagot sa mga problema at reklamo ng mga pasahero.