-- Advertisements --

Muling magpapatuloy ngayong Huwebes, Nobyembre 19, ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado, matapos ang ilang araw na suspensiyon ng mga pagdinig dahil sa pagdaraos ng 49th Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit sa bansa.

Inaasahang maghahain ng apat na testigo ang defense team ni Duterte ngayong araw at Biyernes, Nobyembre 20, bilang bahagi ng pagpapatuloy ng kanilang presentasyon ng ebidensya laban sa natitirang Article II of impeachment complaint.

Kabilang sa mga inaasahang haharap sa impeachment court si Atty. Rainer Dela Fuente ng AML Consulting Philippines, na tatalakay sa mga probisyon ng Anti-Money Laundering Act o AMLA.

Haharap din si Department of Trade and Industry Undersecretary for Industry Development and Investment Promotions Group Ceferino Rodolfo upang magbigay-linaw sa pagpaparehistro ng Cale88 Foods Corporation sa Board of Investments.

Inaasahan namang tatalakayin ni Food and Drug Administration Director IV Pilar Marilyn Pagayunan ang pagpaparehistro ng produkto ng Cale88 na sweetened banana chips.

Samantala, inaasahan ding magbibigay ng testimonya si Rowena Mendoza, general manager ng Center for International Expositions and Missions o CITEM, o kaya ay kinatawan nito, hinggil sa mga komunikasyon at paanyaya sa Cale88 para lumahok sa mga food exposition.

Ayon naman sa Senate impeachment court spokesman na si Atty. Reginald Tongol, saklaw ng mga testimonya ng apat na testigo ang mga alegasyon sa ilalim ng Article II.

Matatandaang nakatuon ang naturang artikulo sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, at umano’y ipinagbabawal na interes sa negosyo ng bise presidente.

Maaalalang nauna nang inihayag ng depensa na plano nitong magharap pa ng walo hanggang sampung testigo sa mga susunod na pagdinig.

Samantala, nananatiling nakatuon ang paglilitis sa Article II matapos bawiin ng prosecution panel ang tatlo pang artikulo ng impeachment complaint noong Oktubre 13.