Hiniling ni House Prosecution Panel Adviser Robert “Ace’ Barbers sa kampo ni Vice President Sara Duterte na magpakita ng mga dokumentong magpapatunay na lehitimo ang mga transaksiyon ng Cale88 Foods Corporation kasunod ng pagpapatuloy na impeachment trial ng bise presidente sa Nov. 19-20.
Ayon kay Barbers, hindi sapat na mapatunayan lamang ng mga testigong ihaharap ng Depensa na rehistrado sa mga ahensiya ng gobyerno ang naturang kumpanya.
Mas mahalaga aniya na maipaliwanag kung bakit may umano’y P300 milyong pumapasok sa Cale88 mula China at kung may katumbas itong lehitimong negosyo o kalakalan.
Kung transaksiyon sa negosyo ang pinagmulan ng pera, dapat umanong makapagharap ang Depensa ng mga kaukulang dokumento bilang patunay.
Tinalakay rin ni Barbers ang magiging testimonya ng abogado mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), na isa sa apat na testigong ipiprisinta ng Depensa sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Nobyembre 19 at 20.
Hindi aniya niya inaasahang kokontrahin ng naturang testigo ang naunang pahayag ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura tungkol sa mga kahina-hinalang transaksiyong naitala.
Binigyang-diin ni Barbers na ang mahalagang usapin ay hindi lamang ang rehistro ng Cale88 kundi ang pagpapaliwanag sa pinagmulan at layunin ng mga pondong dumaan sa kumpanya.
Muling magpapatuloy ang impeachment trial sa Senado ngayong Nov. 19-20 upang ilahad naman ng testigo ng depensa ng pangalawang pangulo ang mga alegasyong pinag-uusapan sa pagdinig.















