Hinamon ni House prosecutor panel at Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang kampo ni Vice President Sara Duterte na ituon ang kanilang depensa sa pagsagot sa mga alegasyon ng hindi naideklarang yaman, sa halip na maglahad lamang ng mga dokumentong nagpapatunay sa rehistro ng negosyo nito.
Ito ay bago ang pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senado bukas, Nobyembre 19, kung saan nakatakdang iharap ng Depensa ang apat na testigo sa loob ng dalawang araw na pagdinig.
Ayon kay Chua, hindi naman kinukuwestiyon ng prosekusyon ang rehistro ng Cale88 Foods Corporation sa Department of Trade and Industry (DTI), gayundin ang pagpaparehistro sa Food and Drug Administration (FDA) ng banana chips na produkto ng kumpanya.
Giit ng mambabatas, hindi ito ang pangunahing usapin sa impeachment trial dahil kailangan pa ring sagutin ng Depensa ang mga alegasyon hinggil sa daan-daang milyong pisong hindi umano naideklara sa yaman ng bise presidente at ng kaniyang asawang si Manases Carpio.
Binanggit din ni Chua ang testimonya ng kanilang expert witness na si Atty. Alex Cabrera, na umano’y naglahad ng mahigit P800 milyong hindi naideklarang kita na iniuugnay sa bise presidente.
Binigyang-diin ng konresista na hindi dapat malihis ang pagdinig sa pangunahing alegasyong kailangang sagutin ng kampo ni Duterte.
Muling aarangkada ang impeachment trial bukas sa Senado, upang iharap ng depensa ng bise presidente ang mga testigo nito na magpapabulaan sa alegasyong ukol sa article II of impeachment complaint na may kaugnayan sa unexplained wealth o ang hindi maipaliwanag na yaman ng pangalawang pangulo.
















