-- Advertisements --

Opisyal nang nagsimula ang ika-10 iteration ng Joint Exercise Dagat, Langit at Lupa (DAGIT-PA) sa iba’t ibang operational areas sa Northern Luzon at Palawan.

Tatagal ng sampung araw ang naturang pagsasanay na nakatakdang magtapos sa November 27.

Ang naturang joint exercises ay isang taunang joint military simulation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isinasagawa nang walang kasamang dayuhang sundalo o militar.

Pinapalakas dito ang pagtutulungan at koordinasyon sa pagitan ng Philippine Army (Lupa), Philippine Air Force (Langit), at Philippine Navy at Philippine Marine Corps (Dagat).

Kasama rin sa pagsasanay ang ilang opisyal at miyembro ng Reserve Force ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Ayon sa AFP, mahalaga ang naturang simulation upang palakasin ang sanib-puwersang operasyon, palakasin ang kanilang interoperability, at pahusayin pa ang kakayahan ng lahat ng hukbo ng bansa, sa pagharap sa mga nagbabagong hamon.

Ilan sa mga gagawing pagsasanay ay ang command and control, field training, sustainment exercises, at humanitarian civic assistance.

Tututukan din sa naturang simulation ang command and control component ng cyber defense at information warfare, dalawa sa mga makabagong aspetong tinututukan ng hukbo.