-- Advertisements --

Inimbitahan ni Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva nitong Linggo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na bisitahin ang Brazil sa susunod na taon.

Ito’y habang nasa bansa bilang bisita si Lula da Silva para sa ika-49 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit kung saan kinilala rin ang kaniyang pagdalo bilang kauna-unahang pagbisita ng isang Brazilian president sa bansa.

Kaugnay ito ng layunin ng dalawang bansa na lalong palakasin ang ugnayan sa pagitan ng Manila at Brasilia.

Dagdag pa nito, inimbitahan din ng pangulo ng Brazil ang ilan pang mga bansa sa layong bumuo ng mas epektibong ugnayan sa mga ito, kabilang si Singapore Prime Minister Lawrence Wong na susunod namang mauupo sa ASEAN chairship sa darating na taon.

“I invite all countries with potential to build partnership with Brazil,” ani Lula da Silva.

Samantala, nitong nagdaang Sabado, naglagda ng ilang kasunduan ang Manila at Brasilia sa kanilang bilateral meeting hinggil sa kooperasyon nito sa agrikultura, livestock, at pagpapatupad ng competition laws.