-- Advertisements --

Hindi na ikinagulat ng Commission on Elections (COMELEC) ang paghahain ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal ng Motion for Reconsideration sa Korte Suprema kaugnay ng desisyon nitong pagtibayin ang constitutionality ng batas na nagpaliban sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, inaasahan na nila ang hakbang ni Macalintal na kumukuwestiyon sa postponement ng BSKE na dapat sana ay idinaos ngayong Nobyembre.

Gayunman, sinabi ni Garcia na posibleng magkaroon ng problema sa pagtatakda ng bagong petsa ng halalan sakaling baligtarin ng Korte Suprema ang nauna nitong desisyon.

Paliwanag ng poll chief, wala umanong kapangyarihan ang COMELEC na magtakda ng bagong petsa ng eleksyon dahil Kongreso lamang ang may awtoridad na gumawa nito.

Matatandaang pinagtibay ng Korte Suprema ang constitutionality ng Republic Act 12326 na nagtakda ng limang taong termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan at nag-iskedyul ng susunod na BSKE sa Nobyembre 2028.