-- Advertisements --

Ibinahagi ng Department of Energy (DOE) ang kahalagahan ng electric mobility sa pagbawas ng umaasa sa imported na langis, pagbibigay ng mas murang biyahe para sa mga pamilyang Pilipino, at pagpapalakas ng seguridad sa enerhiya ng bansa sa ASEAN EV Conference 2026.

May temang “Driving ASEAN Forward,” pinagsasama ng dalawang araw na kumperensya ang mga opisyal ng gobyerno, lider ng industriya, mamumuhunan, at mga regional partner upang talakayin ang mga hamon sa paggamit ng EV.

Tinatalakay din sa pagtitipon ang mga oportunidad sa lokal na pagmamanupaktura at pamumuhunan, pati na ang pagpapalakas ng kooperasyon sa buong ASEAN para sa mga charging standard, technology transfer, at supply chain.

Ayon kay Energy Secretary Sharon S. Garin, malaki ang maitutulong ng electrification sa pagpapababa ng gastusin sa transportasyon habang pinatatatag ang suplay ng enerhiya sa bansa.

Patuloy ang pagsisikap ng DOE na bumuo ng isang madaling maabot at maaasahang electric mobility ecosystem para sa mga konsyumer sa pamamagitan ng pinabuting imprastruktura at mga polisiya.

Layunin ng ahensya na gawing mas praktikal na opsyon ang de-kuryenteng transportasyon para sa mga Pilipino habang nagbubukas ng mga oportunidad para sa mga lokal na industriya.