-- Advertisements --

Kinuwestiyon ng House prosecution team ang mga credit card purchase ni Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, dahil wala umanong idineklarang cash on hand o cash in bank ang mag-asawa sa kanilang SALN mula 2019 hanggang 2025.

Ayon kay private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa, kahina-hinala umano na nakapagtala si Carpio ng mahigit P200,000 na gastusin sa iisang transaksiyon sa kabila ng kawalan ng deklaradong cash. Kabilang dito ang P200,000 na bayarin sa pagkain sa Tokyo, Japan, at mahigit P256,000 na pagbili ng sapatos para sa mga anak ng Elite Basketball team at kanilang mga magulang sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ang mga transaksiyon ay kabilang sa financial forensic report ng prosecution witness na si Atty. Alex Cabrera. Nilinaw naman ni Tolosa na hindi kinukuwestiyon ng prosekusyon ang pagsuporta ng magulang sa anak sa sports, kundi ang pinagmulan ng pondong ginamit sa malalaking gastusin.

Samantala, pinuna ni Sen-JUDGE Pia Cayetano ang pagtatanong ng prosekusyon tungkol sa pagbili ng sapatos, at nagbabala laban sa tila pagkuwestiyon sa paraan ng pagpapalaki ng magulang sa kanilang mga anak. Giit niya, hindi dapat ipagpalagay na mali ang pagsuporta ng isang magulang sa sports at iba pang pangangailangan ng anak dahil lamang isa sa mga magulang ang public official.