-- Advertisements --

Inilahad sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang kabuuang P2.14 milyong natanggap umano nito mula sa GenCorp Industries Inc. sa loob ng apat na taon bilang pagbabalik ng puhunan o “return of capital,” ayon sa ika-apat na witness ng depensa.

Sa pagdinig nitong Miyerkules, Nov. 11, inamin ni Atty. Suzette Balucanag-Punay, in-house counsel ng GenCorp at Metro City Chow Foods Corporation, na umabot sa P2,142,369.14 ang kabuuang inilabas na pera para kay Duterte mula 2022 hanggang 2025, batay sa corporate records ng kumpanya.

Ipinaliwanag ni Punay na nagmula ang naturang halaga sa tinawag niyang “loose investment” ng Bise Presidente sa Jollibee Times Square branch sa Davao City. Aniya, ang puhunan ay unang inilagak sa Davao Bounty Times Food Corporation bago napunta sa operasyon ng nasabing sangay.

Gayunman, kinuwestiyon ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero kung paano umabot sa mahigit P2.1 milyon ang naibalik na puhunan gayong P46,875 lamang ang naunang naitalang capital contribution ni Duterte sa Davao Bounty Times Food Corporation.

Inamin naman ni Punay na wala siyang nakitang nakasulat na dokumentong makapagpapatunay sa eksaktong halaga ng orihinal na investment. Hindi rin niya maipaliwanag kung paano umabot sa naturang halaga ang mga natanggap na bayad.

Sa hiwalay na pagtatanong, kinuwestiyon ni Senator-judge Sherwin Gatchalian kung bakit GenCorp ang naglalabas ng pera para sa investment ni Duterte sa halip na ang mga kumpanyang unang sangkot sa operasyon ng Jollibee Times Square branch.

Itinaas din ni Gatchalian ang posibilidad ng conflict of interest dahil ang GenCorp ay nakatanggap din umano ng mga kontrata mula sa Davao City government na nagkakahalaga ng P33 milyon, habang naglalabas ito ng bayad na iniuugnay sa investment ng Bise Presidente.

Samantala, iginiit ni Punay na hindi stockholder ng GenCorp si Duterte at wala itong natanggap na dividends mula sa kumpanya.

Gayunman, kinumpirma niyang may natanggap itong pera mula sa GenCorp bilang pagbabalik umano ng puhunan.