-- Advertisements --

Inihayag ni National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo na may sapat na pondo ang ahensya para sa itinaas na presyo ng pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka na ngayon ay P30 bawat kilo para sa malinis at tuyo, habang may hiwalay ding kaukulang presyo para sa basang palay.

Ayon kay Lacson, umaabot sa P9 bilyon ang inilaan na pondo sa ilalim ng General Appropriations Act, kasama ang dagdag P10 bilyon na pondo mula sa Department of Agriculture upang suportahan ang hakbang na ito.

Aniya P27 lamang ang unang target na presyo noon, ngunit dahil mababa ang nagbebenta sa naturang halaga, kinakailangang itaas ito upang mas maging kapaki-pakinabang at kaakit-akit sa mga magsasaka.

Paliwanag ni Lacson, ang pangunahing nagtulak sa ahensya para sa pagbabagong ito ay upang maibsan ang hirap ng mga magsasaka sa pagtatanim bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng fertilizer o pataba at gasolina.

Layunin nitong masigurong makakabawi ang mga prodyuser sa kanilang mga gastusin sa kabila ng mga pagbabago sa merkado.

Bagamat naipatupad na ang pagtaas, inamin ni Lacson na hindi pa nila matantiya ang tiyak na dami ng palay na tuluyang maibubuhos at maipagbibili ng mga magsasaka sa kasalukuyan.

Sa kabila nito, target nila na umabot sa 500,000 metric tons ang makolektang palay upang matiyak ang sapat na bolyum para sa pambansang procurement at mabuo ang kinakailangang buffer stock ng bansa sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga magsasaka na ihatid ang kanilang ani sa mga inihandang bodega.