-- Advertisements --

Nagkasundo sina National Irrigation Administration (NIA) Administrator Engr. Eduardo Eddie G. Guillen at ang People’s Budget Coalition (PBC) sa pangunguna ni Co-convenor Ken Abante noong Nobyembre 10, 2026, na malalimang talakayin ang sistema ng ahensya sa pagtukoy at pagpili ng mga mahahalagang proyekto sa irigasyon.

Nakatutok ang paghaharap ng dalawang panig sa kung paano tinutukoy ng NIA ang mga prayoridad na proyekto batay sa aktwal na pangangailangan ng mga magsasaka, sapat na suplay ng tubig, teknikal na kakayahan, at pangmatagalang benepisyo sa agrikultura.

Binigyang-diin ni Administrator Guillen na ang patakaran ng NIA na “Right Project, Right Price, and Right Quality” ang nagsisilbing pangunahing gabay sa pagpaplano, pagpili, pagtatakda ng halaga, at pagpapatupad upang matiyak na wasto ang paggamit ng pondo ng bayan.

Bilang bahagi ng mahalagang kaganapan, ipinakita rin ni Guillen ang operasyon ng NIA Command Center upang patunayan kung paano ginagamit ang makabagong teknolohiya sa pag-monitor ng mga proyekto at mabilis na paghahatid ng serbisyo.

Ayon sa NIA, patunay ang hakbang na ito ng kanilang matibay na paninindigan sa katapatan, pananagutan, at pakikipagtulungan sa mga civil society organization upang gabayan ang mga hakbangin ng ahensya.

Sa pamamagitan ng masusing dayalogong ito, sinisiguro ng pamunuan na ang bawat pisong inilalaan sa irigasyon ay direktang tutugon sa mga tunay at pangunahing pangangailangan ng mga magsasakang Pilipino.