-- Advertisements --

Tinatayang nasa 54 na rehiyon at lalawigan sa Pilipinas ang posibleng humarap sa matinding krisis sa tubig at tagtuyot bago magtapos ang taong 2026 hanggang sa mga unang buwan ng 2027.

Sa inilabas na El Niño Snapshot ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (UNOCHA), lumalabas na unang daranas ng tagtuyot ang mga rehiyon ng Bicol at Eastern Visayas bago pa man umabot sa Luzon, MIMAROPA, at Metro Manila sa Enero 2027.

Sa pagpasok naman ng buwan ng Marso, inaasahang tuluyan nang mararamdaman ang epekto nito sa iba pang bahagi ng bansa, partikular sa Western Visayas, Central Visayas, at sa buong isla ng Mindanao.

Nagbabala ang mga eksperto na ang ganitong klaseng klima ay magdudulot ng malaking pinsala sa mga pananim, kakapusan sa suplay ng tubig sa mga kabahayan, pagtaas ng halaga ng mga bilihin sa merkado, at paglaganap ng mga sakit kaugnay ng init.

Kabilang sa mga pangunahing hakbang ng pamahalaan upang maagapan ang krisis ang paglalaan ng pondo na nagkakahalaga ng $123.2 milyon para sa disaster response, kasabay ng pagdedeklara ng state of calamity sa 109 na lokalidad upang matulungan ang tinatayang 4.6 milyong manggagawa sa sektor ng agrikultura at pangingisda.