Naghain si Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development. Chairperson Sen. Erwin Tulfo ng panukalang batas na magbibigay ng karagdagang proteksiyon sa mga manggagawang posibleng mawalan ng trabaho dahil sa paggamit ng artificial intelligence (AI) at automated systems ng mga kumpanya.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2563, nais ni Tulfo na amyendahan ang Article 298 ng Labor Code of the Philippines upang magtakda ng mga pananggalang para sa mga empleyadong matatanggal dahil sa AI-driven automation.
Ayon kay Tulfo, bagama’t hindi maiiwasan ang pag-unlad ng teknolohiya, hindi dapat ipasa lamang sa mga manggagawa ang epekto nito, lalo na kung nakasalalay sa kanilang trabaho ang kabuhayan ng kanilang pamilya.
Sa ilalim ng panukala, maaari lamang tanggalin o tanggalan ng trabaho ang isang empleyado dahil sa pagpapatupad ng AI kung mapatutunayang tunay at isinagawa nang may mabuting hangarin ang paggamit ng naturang teknolohiya.
Kailangan ding may lehitimong dahilan ang kumpanya, gaya ng pagtitipid sa gastos o pagpapahusay ng kahusayan sa operasyon, at wala nang ibang opsiyon maliban sa paggamit ng AI na magreresulta sa pagkawala ng trabaho ng empleyado.
Itinatakda rin ng panukala ang paggamit ng patas at makatwirang pamantayan sa pagpili ng mga empleyadong matatanggal.
Bukod dito, inaatasan ang mga employer na magbigay ng makatarungang separation pay, pagkakataon para sa reskilling o muling pagsasanay, at posibilidad na mailipat sa ibang trabaho ang mga apektadong empleyado.
Kailangan ding magkaroon ng paunang abiso at konsultasyon bago ipatupad ang pagtanggal sa mga manggagawa.
Binigyang-diin ni Tulfo na dapat munang magsikap ang mga kumpanya na mapanatili ang trabaho ng kanilang mga empleyado sa kabila ng paggamit ng AI, dahil hindi lamang karera kundi pati kabuhayan ng mga pamilya ang nakasalalay sa pagpapatupad nito.














