Dalawa sa mga unang inaasahang testigo ng depensa ni Vice President Sara Duterte ang hindi makadadalo sa pagbubukas ng kanilang presentasyon ng ebidensya sa impeachment trial sa Lunes, Nobyembre 9.
Ayon kay House lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, tumangging tumestigo si constitutional law professor Ralph Sarmiento upang mapanatili ang kanyang pagiging malaya at walang kinikilingan bilang legal scholar.
Hindi rin makadadalo si Atty. Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng GenCorp Industries Inc. at Metro City Chow Foods Corp., dahil sa nakatakda nitong MRI. Inaasahang ilalahad niya ang mga dokumento tungkol sa mga korporasyon at negosyong iniuugnay kay Duterte.
Sinabi ni Luistro na inaasahang hahalili sa mga ito ang Davao City Assessor na si Jaime Adalin, Island Garden City of Samal Assessor John Kenneth Enumerables at Matina Crossing Barangay Chairperson Cindy Colina bilang mga unang testigo ng depensa.
Inaasahang magbibigay-linaw ang mga opisyal sa mga tax declaration at mapa ng mga ari-ariang kinukuwestiyon ng prosecution dahil umano sa hindi pagtutugma ng mga ito sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.
Nauna nang iniharap ng House prosecution ang mga titulo at deed of sale ng dalawang ari-arian na umano’y hindi tumutugma sa mga deklarasyon sa SALN ng Bise Presidente. Nakatakdang suriin ng prosecution ang mga paliwanag ng mga testigo ng depensa.















