-- Advertisements --

Hinigpitan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang crackdown laban sa mga illegal water connection habang nasa kasagsagan ang pananalasa ng El Niño phenomenon sa buong bansa.

Ito ay kasunod ng kautusan ni NCRPO chief, Police Brigadier General Christopher Abrahano sa limang police district sa buong capital region na higpitan ang mga operasyon laban sa mga indibidwal at mga grupong nananamantala sa mataas na demand, konsumo, o pangangailangan sa tubig.

Binabantayan ng mga police unit ang mga posibleng illegal water connection schemes at ang pagpupumilit ng mga water consumer na makalibre sa kanilang water supply.

Pinahihigpitan din ng heneral ang koordinasyon ng mga pulis sa mga water concessionaire, local government units, at mga barangay official para matukoy at mabantayan ang mga itinuturing na ‘vulnerable areas’

Pinapatiyak din ng heneral na may akmang forum para makapagreport ang sinuman ng mga nakikitang illegal water connection, realtime na pagtugon sa mga naturang report o reklamo, at pagsasagawa ng joint inspections kung kinakailangan.

Inatasan na rin ng NCRPO ang bawat pulis na hanapin at sampahan ng kaso ang mga maituturing na financier o nagpopondo sa mga ilegal na operasyon, lalo na ang mga indibidwal na posibleng nangungulektad rin ng payment at nagsisilbing facilitator ng mga illegal at unauthorized connections.