-- Advertisements --

Handang kuwestiyunin ng House Prosecution panel sina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio kung tatawagin silang mga testigo ng depensa sa impeachment trial, partikular sa mga usapin ng unexplained wealth at mga kahina-hinalang transaksiyong pinansiyal.

Ayon kay Prosecution Spokesperson Atty. Jay Tolosa, nasa pinakamainam na posisyon si Duterte na ipaliwanag ang pagkakaiba sa kaniyang idineklarang p98 milyong yaman sa SALN at iba pang P100 milyong transaksiyong nabanggit sa testimonya ni forensic accountant Atty. Alex Cabrera.

Handa rin silang tanungin si Carpio tungkol sa kaniyang mga ari-arian at interes sa Cale88, kung saan mayroon umano siyang 47.5-percent ownership.

Kabilang sa nais nilang maipaliwanag ang P319.3 milyong remittances mula China na natanggap ng kumpanya kahit dalawa lamang umano ang empleyado nito.

Samantala, iginiit ni Tolosa na hindi dapat nakabatay sa popularidad ni Duterte ang pagdedesisyon sa impeachment case, kundi sa mga ebidensiyang iniharap at kakayahan ng depensa na ipaliwanag ang mga Ito.

Magpapatuloy ang paglilitis sa nobyembre 9, kung kailan inaasahang sisimulan ng depensa ang presentasyon ng mga testigo.