-- Advertisements --

Muling naglunsad ng missile attack ang puwersa ng Russia sa kabisera ng Ukraine na Kyiv nitong sabado ng madaling-araw, na nagdulot ng pinsala sa ilang gusali.

Ayon kay Kyiv Mayor Vitali Klitschko, tinamaan ng mga debris ang isang limang-palapag na apartment building sa kanlurang bahagi ng lungsod, habang napinsala rin ang harapan ng isa pang residential building.

Dalawang katao ang iniulat na nasugatan, habang napinsala rin ang isang gusaling ginagamit bilang kindergarten. Patuloy namang binalaan ng mga awtoridad ang mga residente sa posibleng panibagong pag-atake.

Naganap ang insidente tatlong araw bago ang nakatakdang pag-uusap sa Abu Dhabi na lalahukan ng mga negosyador mula sa Ukraine at Russia, sa pangunguna ng United States, upang talakayin ang posibleng pagresolba sa mahigit apat na taong digmaan.