Tinanggap na ng Senate Impeachment Court ang listahan ng mga ebidensiya at dokumentong inihain ng prosekusyon laban kay VP Sara Duterte.
Kabilang sa mga tinanggap na dokumento ay ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP Sara mula 2007 hanggang 2021, mga record ng Securities and Exchange Commission (SEC), at PhilGEPS records.
Kasama rin dito ang mga record ni VP Sara mula sa kanyang bank accounts, insurance, at investment companies; maging ang mga record ng pangalawang pangulo mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba pang opisyal na dokumento.
Bahagyang nilimitahan ng korte ang mga ebidensiyang maaaring gamitin sa Article II ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, na may kaugnayan lang sa alegasyon ng unexplained wealth.
Nilinaw naman ng korte na gagamitin lamang ang mga SALN mula 2007 hanggang 2021 bilang panimulang batayan sa pagsusuri ng pinansiyal na kalagayan ni VP Sara bago siya naging bise presidente noong June 30, 2022.
Paliwanag naman ni court spokesperson, Atty. Reginal Tongol, hindi maaaring gamitin ang mga ito para idiin ang bise presidente sa mga hiwalay na alegasyon bago ang nabaanggit na mga petsa.
Hindi rin pinayagan ng Impeachment court ang paggamit sa mga record ng Commission on Audit (COA) ukol sa mga disallowance sa confidential funds na bahagi ng Article I na binawi na ng prosekusyon.
Ayon kay Tongol, ang pagtanggap ng impeachment court sa mganabanggit na dokumento ay hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga alegasyon ng prosekusyon laban kay VP Sara.














