-- Advertisements --

Isinusulong ng Akbayan sa pamamagitan ng House Bill No. 11764 ang pag-amyenda sa Batas Kasambahay upang mabigyan ng mas makatarungang sahod at proteksyon ang lahat ng domestic workers sa bansa.

Sa ilalim ng panukala, tatanggap na ang mga kasambahay ng regional minimum wage at overtime pay sakaling lumagpas sa walong oras ang kanilang trabaho.

Garantisado rin sa ilalim ng panukalang batas ang walong oras na tuloy-tuloy na pahinga at tulog araw-araw, pati na ang Long Service Payment para sa mga nakapaglingkod na ng tatlong taon pataas sa iisang employer.

Padadaliin din ang sistema ng pagbabayad para sa kanilang SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG habang binibigyan sila ng sapat na proteksyon laban sa recruitment fees at iba pang pang-aabuso.

Saklaw ng panukalang ito ang lahat ng yaya, driver, taga-luto, taga-laba, at hardinero—maging sila man ay stay-in, live-out, part-time, o app-based kasambahay.