-- Advertisements --

Nakatakdang bumisita ng bansa ang Hollywood icon na si Angeline Jolie bilang isa sa mga tagapagsalita sa gaganaping 2026 ASEAN Inclusive Growth Summit sa darating na Nobyembre 11.

Magiging bahagi ang Academy Award-winning actress sa mga tampok na tagapagsalita sa nasabing pagtitipon na dadaluhan naman ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor upang pagdiskusyunan ang ekonomiya sa Timog-Silangang Asya.

Kilala si Jolie sa kaniyang pangkawanggawang adbokasiya lalo na ang kampanya nito para sa proteksyon ng kababaihan at kabataan, kabilang ang adbokasiya nito para sa mga bakwit o refugees.

Noong 2001 hanggang 2012, nanilbihan din ang Hollywood actress bilang Goodwill Ambassador para sa United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) bago ito matalaga bilang Special Envoy.

Makakabilang din ni Jolie ang ilang kilalang personalidad bilang tagapagsalita sa nasabing summit kung saan makakasama nito ang Tony-award winning theater actress na si Lea Salonga, Rajo Laurel, Kylie Verzosa maging ang kalihim ng Department of Trade and Industry na si Cristina Roque.