Pinuri ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sina Commissioner Charlito Martin R. Mendoza at ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa One-Time Abatement Program para sa micro taxpayers.
Ayon sa datos ng BIR noong Oktubre 24, 2026, umabot na sa 3,929 micro taxpayers ang nakinabang sa programa kung saan P266.79 milyon na halaga ng buwis at multa ang naipawalang-bisa.
Sa nakuhang 17,101 na aplikasyon, pormal nang naaprubahan ng ahensya ang 15,050 na nagpapatunay sa malaking tulong ng programa upang maayos ng mga maliliit na negosyo ang kanilang mga lumang utang sa buwis.
Dahil dito, buong-pusong sinusuportahan ng PCCI ang plano ng BIR na palawakin pa ang programa para sa small taxpayers o mga negosyong may taunang benta na P3 milyon hanggang kulang sa P20 milyon.
Nangako ang PCCI na tutulong sa pagpapalaganap ng impormasyon sa pamamagitan ng kanilang mga miyembro at lokal na kompyansa upang mas maraming kwalipikadong negosyo ang makasali.
Binigyang-diin ng grupo ang mahalagang papel ng MSMEs sa ekonomiya at ang pangangailangang gabayan sila tungo sa tamang pagbabayad ng buwis nang may kumpiyansa.
Inaasahan ng PCCI ang patuloy na pakikipagtulungan sa BIR upang mas palakasin pa ang taxpayer education at gawing mas madali at patas ang proseso ng compliance para sa mga maliliit na negosyante sa bansa.













