-- Advertisements --

Inihayag ni Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) Director Teresito Bacolcol ang kahalagahan ng kahandaan at kamalayan ng mga Pilipino sakaling tumama sa bansa ang “The Big One.”

Ito ay kasabay ng paggunita ng World Tsunami Awareness Day ngayong araw, Nobyembre 5, kung saan isinagawa rin ang Fourth Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill o NSED sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Binigyang-diin niya na mahalagang maging alerto ang publiko sa mga banta ng tsunami na maaaring idulot ng malalakas na lindol sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan nang hindi lamang umasa sa mga teknikal na instrumento, partikular na para sa mga komunidad na nakatira sa mga coastal areas o malapit sa dagat.

Kabilang aniya sa mga pangunahing natural na senyales na dapat tandaan ng mga mamamayan ang malakas at matagal na pagyanig ng lupa na aabot ng mahigit 20 segundo kasunod ng paggalaw ng mga active fault line.

Dapat ding maging handa ang publiko sa biglang pag-atras ng tubig-dagat o kaya ay sa kakaibang ugong na nagmumula sa karagatan na malinaw na hudyat ng paparating na mapanganib na tsunami wave.

Paalala ng pamunuan, kailangang lumikas agad sa mas mataas na lugar o itinalagang evacuation zone sa sandaling mapansin ang mga ito upang matiyak ang kaligtasan ng bawat pamilya mula sa sakuna.

Bilang suporta sa mga hakbang na ito, ipinatutupad din ang iba’t ibang communication tsunami awareness programs at nakatakdang simulan sa susunod na taon ang modernisasyon ng ahensya.

Bahagi nito ang pagdaragdag ng 161 bagong kagamitan at system-level monitoring upang palitan ang mga lumang lokal na sistema para sa mas mabilis na data processing at pagpapalabas ng tsunami warning sa loob ng ilang minuto matapos ang main shock.