-- Advertisements --

Binuksan na ang kauna-unahang Dairy Box outlet sa DA Central Office sa Quezon City upang ilapit sa mga mamimili sa Metro Manila ang mga de-kalidad na produktong gawa sa gatas ng kalabaw.

Bahagi ito ng pagpapalawak ng proyekto na umabot na sa ika-98 outlet sa bansa simula nang ilunsad ito sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija noong 2015.

Tampok sa bagong pasilidad ang sariwang gatas at iba pang mga produktong dairy na direktang gawa ng mga lokal na magsasaka at kooperatiba.

Naglalayon ang hakbang na ito na palawakin ang merkado ng mga produktong gatas habang nagbibigay ng direktang tulong sa kabuhayan ng libu-libong magsasakang maggagatas sa bansa.

Inaasahan na sa pamamagitan ng pagbubukas ng outlet sa mismong tanggapan ng ahensya, mas marami pang mamamayan ang mahihikayat na tumangkilik sa lokal na industriya ng agrikultura.