-- Advertisements --

Inamin ng Department of Agriculture (DA) na ang mga maling coordinates sa walong Farm-to-Market Road (FMR) projects ay nagmula na sa National Expenditure Program (NEP) na inihanda ng ehekutibo at hindi sa mga pagbabagong ginawa ng House of Representatives.


Ayon kay DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo, kabilang na sa orihinal na panukalang badyet ang lahat ng 1,669 FMR projects, kasama ang walong proyektong may maling lokasyon dahil sa pagkakamali sa pag-encode at geotagging.


Babala ni Manalo, posibleng hindi maisakatuparan ang walong proyekto kung hindi maitatama ang kanilang coordinates.


Gayunman, sinabi ni Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella na may pagkakataon pang itama ang mga ito habang nagpapatuloy ang deliberasyon sa badyet sa Senado at bicameral conference committee.


Ipinaliwanag naman ng DA na nagmula ang mga pagkakamali sa isa o dalawang maling numerong naipasok sa sistema.

Dahil dito, iniutos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang masusing pagsusuri sa mga dokumento at proseso upang matukoy ang pinagmulan ng problema at maiwasan ang pag-uulit nito.