Pinanatili ng Philippine National Police o PNP ang mahigpit na seguridad sa mga pangunahing terminal at lansangan sa gitna ng pag-uwi ng milyun-milyong biyahero matapos ang Undas break.
Iniutos ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga police unit sa buong bansa na paigtingin ang pagpapatrolya sa mga highway, bus terminal, pantalan at paliparan upang maiwasan ang krimen at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at pasahero. Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ni Interior Secretary Jonvic Remulla.
Hinimok din ni Nartatez ang mga motorista na sumunod sa batas-trapiko, iwasan ang sobrang bilis, huwag magmaneho kapag nakainom at magpahinga bago bumiyahe nang malayo. Aniya, walang destinasyong dapat ipagsapalaran ang buhay.
Matatandaang mahigit isang milyon at 160,000 katao ang bumisita sa dalawang pangunahing pampublikong sementeryo sa Maynila noong Nobyembre uno para sa Undas. Hinikayat naman ng PNP ang publiko na manatiling maingat at responsable hanggang makarating nang ligtas sa kanilang mga destinasyon.
















