-- Advertisements --

Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) ang panibagong galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo na epektibo mula Nobyembre 3 hanggang 9, 2026.

Ayon sa ahensya, ang mga pagbabagong ito ay direktang nakabatay sa galaw ng pandaigdigang merkado ng langis sa gitna ng mga patuloy na kaganapan sa Middle East.

Sa oil adjustment ngayong linggo, nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng dagdag na tatlong piso at limampung sentimos sa bawat litro para sa iba’t ibang uri ng gasolina.

Sa kabilang banda, nakaramdam naman ng kaunting ginhawa ang mga motorista sa produktong diesel dahil sa bawas-presyo na isang piso sa bawat litro para sa parehong regular na diesel at diesel plus.

Bukod dito, nagbaba rin ng isang piso at siyamnapung sentimos sa bawat litro ang presyo ng kerosene ngayong linggo.

Samantala, nagpatupad din ng dagdag-singil sa presyo ng Liquified Petroleum Gas (LPG) para sa buong buwan ng Nobyembre.

Pumalo sa apat na piso at tatlumpung sentimos ang itinaas sa bawat kilo ng LPG, na katumbas ng karagdagang halaga para sa mga karaniwang labing-isang kilong tangke.