Hinimok ni Senate President Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tiyaking hindi magdudulot ng dagdag na learning loss o paghina ng pagkatuto ng mga estudyante ang mga hakbang laban sa banta ng El Niño.
Ayon kay Gatchalian, dapat iangkop sa aktuwal na kondisyon ng bawat lugar ang suspensiyon ng klase sa halip na magpatupad ng malawakang kanselasyon, upang maprotektahan ang mga mag-aaral nang hindi naaantala ang kanilang pag-aaral.
Iginiit ng Senate President na hindi lang ang kaligtasan ng mga mag-aaral ang pinagbabantaan ng El Niño, kundi pati na rin kakayahan nilang matuto kung kaya’t kailanga aniyang tiyakin nating hindi uurong ang kaalaman ng mga mag-aaral dahil palalalain nito ang krisis sa edukasyon.
Binanggit ng senador ang policy note ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), na nagsabing nawalan ng katumbas na 20 araw ng pagtuturo ang isang karaniwang pampublikong elementarya noong School Year 2025-2026 dahil sa mga suspensiyon ng klase dulot ng mga panganib at kalamidad.
Natuklasan din sa ulat na sa bawat araw na suspendido ang klase, katumbas nito ang pagkawala ng humigit-kumulang 1.4 araw na progreso sa kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral.
Dahil dito, iginiit ni Gatchalian na kailangang balansehin ng DepEd ang kaligtasan ng mga estudyante at ang pagpapatuloy ng kanilang pagkatuto sa harap ng matinding init na dulot ng El Niño.
Kamakailan ay inilunsad ng DepEd ang 4H Framework bilang gabay sa pagpapatupad ng mga hakbang sa mga paaralan batay sa tindi ng init at iba pang kondisyon sa lugar.
Sa ilalim ng Hayo, nagpapatuloy ang face-to-face classes habang nagpapatupad ng mga hakbang tulad ng nakatakdang water breaks, paglilipat ng mga aktibidad sa labas sa mas malamig na oras at paggamit ng angkop na kasuotan.
Sa antas na Hinay, maaaring baguhin ang iskedyul ng klase at ipatupad ang mga nakabalangkas na gawaing pampagkatuto sa bahay o hybrid learning kapag tumitindi ang panganib ng heat stress.
Sa Hinga, binabawasan ang mga gawaing akademiko upang bigyang-priyoridad ang kalusugan at kapakanan ng mga estudyante. Maaari ring gumamit ng learning packets, maiikling aktibidad sa pagbasa at matematika, at mga programang pang-edukasyon sa telebisyon at radyo.
Samantala, sa antas na Hinto, suspendido ang mga gawaing akademiko kapag hindi na ligtas ang kondisyon, kabilang ang heat index na nasa danger level na 42°C pataas. Sa ganitong sitwasyon, nagpapatuloy ang mahahalagang komunikasyon, pagsusuri sa kaligtasan ng mga mag-aaral at pag-uugnay sa mga serbisyong nagbibigay ng psychosocial support.
Binigyang-diin ng panawagan ni Gatchalian ang pangangailangang gumamit ng mga hakbang na naaayon sa aktuwal na kondisyon ng bawat paaralan at komunidad upang mapangalagaan ang mga estudyante nang hindi isinasakripisyo ang kanilang pagkatuto.














