Arestado ang 13 indibidwal sa joint anti-POGO operation ng Philippine National Police (PNP) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Iligan City noong Oktubre 29, 2026. Nasamsam din ang mga gaming equipment na nagkakahalaga ng tinatayang P12 milyon.
Isinagawa ang operasyon sa isang kumpanyang nagpapanggap umanong Information Technology Service Provider ngunit sangkot sa ilegal na offshore gaming activities sa Barangay Hinapolan, Iligan City.
Kabilang sa mga naaresto ang dalawang manager at 11 online dealer. Nakumpiska rin ang mga computer, monitor, camera, tablet, gaming table at iba pang kagamitang ginagamit sa operasyon.
Nasa kustodiya na ng Police Station 1 ng Iligan City Police Office ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon at legal na proseso. Samantala, pinaghahanap pa ang rehistradong may-ari ng kumpanya.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng PNP, National Bureau of Investigation (NBI)-Iligan at PAOCC bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na POGO at online gambling operations.















