-- Advertisements --

Paso na ang isang linggong ultimatum ng Philippine National Police (PNP) kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang kusang sumuko sa mga awtoridad.

Nagtapos ang ibinigay na palugit ng Pambansang Pulisya noong Biyernes, ika-30 ng Oktubre, matapos bigyan ng isang linggo ang senador simula noong Oktubre 23.

Matatandaang, kasabay ng pagbibigay ng ultimatum, inanunsyo rin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang paglalaan ng 50 milyong pisong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa kinaroroonan ng senador.

Sa kabila nito, hindi pa rin nahahanap o naaaresto si Dela Rosa sa kasalukuyan.

Samantala, iginiit naman ng abogado ng senador na mayroon umanong makapangyarihang protektor ang kanyang kliyente.

Sa isang panayam kay Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Dela Rosa, nilinaw nitong hindi tao ang tinutukoy niyang protektor kundi ang Diyos.

Aniya, malaki ang pananampalataya ng kanyang kliyente at madasalin ito.

Gayunman, hinihintay pa ang aksyon ng Korte Suprema sa hiling ni Dela Rosa na harangan ang implementasyon ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Sa kabila ng paglampas ng palugit, nananatiling hindi pa nahahanap ang Senador.