Nanawagan ang People’s Budget Coalition sa publiko na maging mas mapagmatyag at manindigan laban sa umano’y patuloy na pagpasok ng mga budget insertion ng mga kongresista sa panukalang 2027 national budget.
Ayon sa grupo, hindi dapat ituring na personal na pondo ng mga kongresista, senador o maging ng Pangulo ang pambansang budget, dahil pera ito ng taumbayan na dapat gamitin para sa kanilang pangangailangan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, iginiit ni AJ Montesa ang Co-convenor ng People’s Budget Coalition, na mahalagang bantayan ng publiko ang proseso ng paglalaan ng pondo ng gobyerno upang matiyak na hindi ito magagamit para sa pansariling interes ng mga politiko.
Binigyang-diin din ng grupo na hindi na dapat maulit ang mga anomalya sa flood control projects na naging sentro ng mga alegasyon ng korupsiyon at maling paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Matatandaang sa Senate Finance Committee consultation kasama ang mga civil society organizations, inilabas ng People’s budget coalition ang tinatayang 7,054 projects na nagkakahalaga ng P190 bilyon na umano’y ipinasok sa panukalang 2027 national budget nang walang public documents.
Kabilang dito ang humigit-kumulang 6,200 public works projects na nagkakahalaga ng P172 bilyon.
Sa gitna ng mga usaping ito, nanawagan ang grupo sa publiko na huwag manatiling tahimik at patuloy na bantayan ang pambansang budget upang matiyak na ang pondo ng gobyerno ay mapupunta sa mga proyektong tunay na makikinabang ang taumbayan.















