Tiniyak ng Toll Regulatory Board (TRB) ang kahandaan ng mga toll operator na tumugon sa lumulubong bilang ng mga sasakyan na dumadaan sa mga toll plaza.
Ito ay kasabay ng mas maraming bilang ng mga pampasaherong sasakyan na bibiyahe patungo sa mga probinsiya, kasunod ng special permits na ipinagkaloob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa maraming bus units.
Maliban sa mga passenger bus, inaasahang marami ring private cars ang magbabakasyon kasabay ng long weekend ngayong Undas.
Ayon kay TRB Spokesperson Julius Corpuz, lahat ng mga toll operator ay nagsimula nang magdeploy ng sapat na bilang ng mga toll collector at marshalls upang umalalay sa mga sasakyang dadaan sa mga toll plaza.
Ipinapatupad na rin aniya ng lahat ng operators ang ‘Oplan Biyaheng Ayos’ upang pangasiwaan ang traffic sa lahat ng kakalsadahan at maalalayan ang mga motoristang posibleng magkakaproblema sa daan.
Nagtalaga rin ang mga ito aniya ng quick response team para tumugon sa emergency, lalo na sa peak hours.
Sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo kay Northern Luzon Expressway (NLEX) AVP for Traffic Operations Robin Ignacio, tiniyak nitong lahat ng bahagi ng naturang road network ay nababantayan ng mga ipinakalat na road marshalls habang nag-alay din ang NLEX ng libreng towing sa mga sasakyang nagkakaproblema habang nasa kalsada.














