Nagsagawa ang Department of Environment and Natural Resources ng nationwide ecosystem restoration program o ang pagsasaayos ng mga ilog, estero, at ilan pang mga daluyan ng tubig bilang paghahanda sa banta ng Super El Niño sa bansa.
Ayon sa pamunuan, na nais nilang siguruhin na mananatili pa ring nagagamit at maayos na umaagos ang mga ilog, o ang iba’t-ibang wetlands sa bansa. Ito ay daan din upang maprotektahan ang komunidad na nakapaligid dito.
Nagsagawa ang DENR Manila Bay Site Coordinating and Management Office ng paglilinis ng mga ilog at waterway maintenance activities sa ilalim ng Manila Bay Rehabilitation Initiative.
Nagdeploy naman sa Pampanga ng mga River Rangers para sa 10-day cleanup operation sa mga ilog, creek, at mga estero.
Umabot na sa 98,618.93 kilo ang mga basurang nakuha mula sa mga nalinis na estero, ilog, at creek, na may katumbas na 15,267 na sako ng mga basura.
Patuloy naman ang pagmonitor ng DENR, Manila Bay Site Coordinating and Management Office sa mga water supply sources sa Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Bataan, at Tarlac.
Patuloy rin ang pagmonitor ng DENR Region 3 sa magiging marine heat stress sa mga coastal areas ng Aurora, Bataan, at Zambales nang sa gayon ay malaman ang magiging kondisyon ng mga maapektuhang marine ecosystem at upang matulungan din ang mga pangisdaan mula sa elevated sea temperatures.














