-- Advertisements --

Inanunsyo ng Philippine Airlines nitong Huwebes, Oktubre 29, ang mandato nitong magsumite ng isang passenger attestation para mga pasahero na tungong United States bilang pagpapatunay na hindi sila nagtungo o nanggaling sa Democratic Republic of the Congo sa loob ng nakalipas na 21 araw bago ang kanilang boarding.

Iyan ay magiging epektibo simula Nobyembre 3, 2026 ng 11:59 p.m.

Saklaw nito ang mga pasaherong pumasok o dumaan sa nasabing bansa sa pamamagitan ng himpapawid, lupa, o dagat, maging ang mga transit passenger o ang mga nag-layover sa paliparan ng Democratic Republic of the Congo nang hindi lumalabas ng eroplano o terminal.

Alinsunod iyan sa ipinatupad na utos ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC) hinggil sa patuloy na paglobo ng kaso ng Ebola virus sa Congo at upang matiyak na rin na ligtas sa anumang banta sa kalusugan ang kanilang estado.

Sa mga pasaherong hindi makakapagsumite ng CDC attestation ay hindi papayagang makapasok sa bansa.

Sakop ng patakarang ito ang lahat ng pasahero, anuman ang kanilang nationality. Kinakailangan ding hiwalay ang attestation para sa bawat pasahero sa bawat flight.

Samantala, maaari namang sagutan ng magulang o sinumang awtorisadong indibidwal ang form sa ngalan ng mga pasaherong wala pang 18 taong gulang, o sa mga pasaherong may pisikal o mental na kapansanan.

Mananatiling may bisa ang nasabing patakaran hanggang Disyembre 18, 2026, maliban na lamang kung babawiin ito ng US CDC.