Handa na ang dalawa sa pinakamalaking tollway operators sa bansa sa magiging mabigat na daloy ng trapiko sa mga major expressways sa darating na Undas.
Inaasahan nga na aabot sa milyon-milyong biyahero ang uuwi sa kani-kanilang mga probinsya upang bisitahin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
Ayon pa sa SMC Infrastructure, inaasahan nilang tataas ang vehicle traffic sa kanilang tollway network ng 10%, habang 5% naman ang inaasahang vehicle traffic sa Metro Pacific Tollway Corp.
Asahan naman na tataas sa 12% ang peak travels sa Metro Pacific Corp. sa October 30 at 31.
Upang mapamahalaan ng maayos ang pagdagsa ng mga motorista, nagtalaga ang dalawang tolllway operators ng dagdag na tauhan at emergency response teams. Pansamantala ring sususpendehin ang roadworks upang makatulong na makabawas sa pagsikip sa daloy ng trapiko.
Ipapatupad din ang full staffing simula October 29 sa South Luzon Expressway, Skyway, Star Tollway, Naia Expressway at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway.
Nakatakdang magdeploy ng 2,000 na tauhan ang MPTC sa North Luzon Expressway, NLEX connector at Cebu-Cordova Link Expressway mula October 29 hanggang November 5.















