Wala pang natatanggap na kumpirmasyon ang Department of National Defense (DND) kung dadalo ang China sa ika-20 ASEAN Defence Ministers’ Meeting (ADMM) na gaganapin sa Lapu-Lapu City, Cebu simula ngayong araw, Oktubre 28 hanggang 29, 2026.
Ayon kay DND Assistant Secretary Arsenio R. Andolong, ang ADMM ang nagsisilbing pinakamataas na antas ng mekanismo para sa konsultasyon at kooperasyon sa larangan ng depensa sa buong rehiyon ng ASEAN.
Hawak ng Pilipinas ngayong taon ang pagkapangulo ng ika-20 ADMM at ika-13 ADMM-Plus sa ilalim ng pamumuno ni Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. na may temang “Navigating Our Future Together.”
Kabilang sa ADMM-Plus ang walong dialogue partner na Australia, China, India, Japan, New Zealand, South Korea, Russia, at Estados Unidos.
Inaasahan din sa pagpupulong ang pormal na pakikipag-usap ng mga ministro ng depensa sa Japan at Estados Unidos, bukod pa sa iba’t ibang bilateral meetings sa gilid ng mga pangunahing sesyon.
Pormal namang ipapasa ng Pilipinas ang pagkapangulo ng ADMM at ADMM-Plus sa Singapore ngayong Huwebes, Oktubre 29, upang ipagpatuloy ang pagtataguyod ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon ng Indo-Pacific.














