-- Advertisements --

Nagpatotoo ang isang Engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na naghatid siya ng hindi bababa sa P5 bilyong umano’y commitment fees mula sa mga contractor kay dating DPWH Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara.

Ayon kay Carlo Rivera, katumbas ito ng 25 porsiyento ng halaga ng mga infrastructure project sa Bulacan mula 2022 hanggang 2025. Sinabi rin niyang ipinasa ni Alcantara ang pera kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na namahagi umano nito sa mga proponent ng proyekto.

Inilahad ni Rivera ang testimonya sa bail hearing ni dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng kasong plunder sa umano’y P7.4-bilyong kickback scheme sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.

Kinumpirma rin ni Rivera na naghanda siya ng listahan ng mga proponent ng flood control projects, kabilang sina Co, dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, Senador Jinggoy Estrada at dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. Gayunman, sinabi niyang hindi nakalista si Romualdez bilang proponent sa naturang talaan.