Muling nabuhay ang panawagan para sa Decriminalization ng libel kasunod ng pagkakaaresto sa 72-anyos na mamamahayag dahil sa cyber libel case at pagsasampa ni Davao City Rep. Paolo Duterte ng mga reklamong libel at cyber libel laban sa ilang mamamahayag at media executives.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, banta sa press freedom ang mga naturang kaso at nangako siyang susuportahan ng Kamara ang mga mamamahayag na nahaharap sa mga reklamo.
Ilan sa mga panukalang inihain sa 20th Congress ang House Bill No. 441 gayundin ang panukalang Freedom and Protection of Journalists Bill. Layunin ng mga ito na alisin ang kriminal na parusa sa libel at maglatag ng mga mekanismo para maprotektahan ang kalayaan ng pamamahayag.
Samantala, iminungkahi ng ila pang mambabatas na alisin ang pagkakakulong bilang parusa sa libel at palitan ito ng multang P10,000 hanggang P30,000. Gayunman, nananatili pa sa antas ng komite ang mga panukalang batas na inihain mula 2025.
















