Maluwag pa ang daloy ng mga sasakyan sa Manila North Cemetery, ang pinakamalaking pampublikong sementeryo sa bansa, ilang araw bago ang Undas.
Ngayon ang itinakdang huling araw ng paglilinis ng mga nitso bago ang inaasahang pagdagsa ng mga bibisita. Ilan na sa mga kaanak ng mga yumao ang maagang nagtungo sa sementeryo upang linisin at ayusin ang mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Inaasahang aabot sa dalawang milyon ang bilang ng mga bibisita sa Manila North Cemetery ngayong Undas 2026, ayon sa pamunuan nito.
Isa sa mga maagang dumalaw si Efraim Ponce, na bumiyahe pa mula Quezon City upang linisin ang nitso ng kaniyang mga yumaong magulang. Aniya, pinili niyang bumisita nang mas maaga upang maiwasan ang siksikan sa mismong araw ng Undas.
Samantala, nananatili muna sa regular na presyo ang mga kandila at bulaklak na ibinebenta sa labas ng sementeryo, bagama’t mahina pa ang bentahan sa ngayon.
Ayon kay Rhiza Coloma, isang tindera ng kandila at bulaklak, nagsisimula sa limang piso ang presyo ng kandila at umaabot sa 200 piso ang pinakamalaki at pinakamahal na paninda.
Para naman sa mga bulaklak, nagsisimula sa 150 piso ang presyo ng single-stem na bulaklak. Mas mataas naman ang halaga ng mga bouquet at iba pang arrangement depende sa laki at disenyo.
Dagdag ni Coloma, posibleng magbago ang presyo ng kanilang mga paninda depende sa magiging halaga ng mga produktong kinukuha nila sa kanilang mga supplier.
Mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, bukas ang sementeryo mula alas-singko ng umaga hanggang alas-otso ng gabi. Ipinagbabawal pa rin ang overnight na pananatili sa loob nito.












