Muling binisita at ininspeksyon ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang Kilicao-Binitayan Bridge sa bayan ng Daraga, Albay, bago pa man ang kanyang muling pagbabalik bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay Dizon, nakatakda nang buksan sa mga motorista ang dalawang lane (two lanes) ng naturang tulay sa susunod na linggo bago sumapit ang Undas.
Ipinahayag ni Dizon na ang mabilis na pagpapatupad ng proyekto ay ginawa sa ilalim ng direktiba ng kasalukuyang administrasyon, lalo’t halos 15 taon din itong nakatengga simula pa noong panahon ni dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co.
Aniya, sa wakas ay matatapos na ang proyekto at agad nang mapapakinabangan ng mga mamamayan. Magsasagawa rin ng road testing habang patuloy ang pagtutulungan ng mga lokal at rehiyonal na opisyal upang matiyak ang ligtas at maayos na pagdaan ng mga residente at motorista.
Samantala, malugod namang tinanggap ni Albay Governor Noel Rosal ang magandang balita at sinabing ang naturang tulay ay magsisilbing mahalagang bypass road at link sa iba’t ibang barangay at distrito sa lalawigan.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang gobernador sa magandang koordinasyon sa pagitan ng DPWH at ng pambansang pamahalaan upang sa wakas ay maitupad ang matagal nang inaasam na proyekto.















