Hindi na umano kailangan pang ipa-recall ng House of Reps. ang panukalang 2027 national budget para lamang maitama ang mga probisyong posibleng lumabag sa desisyon ng Korte Suprema.
Ito ang pananaw nina Senate President Sherwin Gatchalian at Senador Ping Lacson, kasunod ng kamakailangang paglabas ng SC sa desisyon at nagdedeklarang unconstitutional ang ilang probisyon ng 2024, 2025, at 2026 General Appropriations Act.
Ayon kay Gatchalian, kaya nang itama ng Senado ang mga kinakailangang pagbabago sa consolidation ng budget at hindi na kailangan pang maantala ang mga umuusad na budget deliberations.
Sa pagtalakay sa pondo aniya, susunod ang Senado sa desisyon ng Korte Suprema, ngunit hindi rin isasantabi ng kapulungan ang magiging apela ng Office of the Solicitor General.
Maliban sa Senate leader, tinutulan din ni Sen. Lacson ang panukalang i-recall ang budget na inaprubahan ng House.
Babala ng senador, maaari itong humantong sa reenacted budget kung sakaling ibalik ang pondo at maantala pa ang umuusad na budget process.
Mas mainam aniyang na busisiin ng Senado ang bersyon ng House, ayusin ang mga alokasyon at alisin ang mga hindi kinakailangang pondo bago isulong ang panukala sa Bicameral Conference Committee.
Sa naturang komite na maaaring pagtugmain ang mga pondo, alinsunod sa batas at sa bagong ruling ng SC.
Ilan sa mga inisyal na ipinangakong susundin ay ang hindi pagbabalik sa 2027 budget ng dalawang special provision sa 2026 budget na idineklarang labag sa Konstitusyon, gayundin ang hindi paglampas sa panukalang budget ng Pangulo.















