Inihayag ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Spokesperson Nazario Briguera sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo na sapat ang kasalukuyang suplay ng isda sa bansa sa kabila ng epekto ng matinding El Niño na inaasahang magtatagal hanggang sa unang quarter ng taon.
Batay ito sa isinagawang market monitoring ng ahensya upang matiyak ang kalagayan ng mga panustos sa merkado.
Bagamat matatag ang suplay sa ngayon, nagbabala si Briguera na posibleng magkaroon ng mga hamon sa marine environment na maaaring magbago sa distribusyon ng mga isda.
Tiniyak ng ahensya na may mga inihandang mitigating measures upang hindi tahasang maapektuhan ang mga palaisdaan at fish cages sa kabila ng matinding init.
Pinaalalahanan ngito ang mga fish pond at cage operator na mahalaga ang mahigpit na pagsunod sa mga tamang pamamaraan tulad ng good aquaculture practices at ang itinakdang stocking density upang maiwasan ang pagsisikan at posibleng fish kill.
Bilang bahagi ng pagtugon, nagpalabas ng pondo ang Department of Agriculture para sa paglalagay ng mga solar-powered aeration system sa mga pangunahing production area upang madagdagan ang dissolved oxygen level sakaling bumaba ito dahil sa tindi ng init.
Patuloy ding nag-ooperate ang mga technology outreach station upang matiyak na may sapat na suplay ng semilya para sa mga fish farmer na nasa rehabilitation stage na naka-preposition na rin.
Kaugnay naman ng importation ng isda, ipinaliwanag ni Briguera na dumaan ito sa masusuring pag-aaral at rekomendasyon ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council.
Aniya, pansamantala lamang ang pag-angkat at isinasagawa tuwing closed fishing season o panahon ng kalamidad upang hindi maging pabigat sa mga mamimili ang presyo sa merkado.
Marapat na bigyan ng prayoridad ang pagbibigay ng fuel assistance upang tuluyang maibsan ang mataas na production cost ng mga mangingisda at makatulong sa pagpapababa ng inflation sa sektor.















