Planong bawasan umano ng dalawang bilyong piso ang panukalang badyet ng Senado para sa taong 2027, kasunod ng pagkakasundo nina Senate Committee on Accounts Chairperson Ping Lacson at Senate President Sherwin Gatchalian na higpitan ang paggastos ng mataas na kapulungan.
Mula sa panukalang P7.7 bilyong piso sa ilalim ng National Expenditure Program, target na ibaba sa P5.7 bilyong piso na lang na alokasyon ng Senado upang maipakita ang disiplina at pananagutan sa paggamit ng pera ng bayan.
Umaasa naman si Lacson na magsisilbing halimbawa ito sa House of Representatives, na hinimok niyang magsagawa rin ng katulad na hakbang, sa gitna ng mga panawagan para sa mas mahigpit na pagsusuri sa pambansang badyet.
Ipinunto rin ng Senador ang kahalagahan ng pagsunod sa mga pamantayang itinakda ng Korte Suprema matapos nitong ideklarang labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng mga badyet para sa taong 2024 , 2025, at 2026
Habang tiniyak naman ng senador na hindi naman inaasahang maaapektuhan ang operasyon ng Senado kung bababa ang kanilang pondo dahil maaari pa silang gumamit ng mga pondong hindi pa umano nagastos mula sa kasalukuyang taon.
Samantala, dagdag pa ni Lacson, na nakatakdang dinggin ng Senado sa Lunes, October 26, ang mga rekomendasyon ng mga civil society organization, para sa reporma sa proseso ng pagbababudget, sa layuning palakasin ang transparency at tiyaking may malinaw na batayan ang bawat alokasyon ng pondo ng bayan.
Matatandaang nauna nang naibunyag sa pagdinig sa Senado, ang umano’y P55 milyong pisong Farm-to-Market Road project, na kung saan ay nakitaan ng matinding red flag dahil ang nakasulat umano sa map coordinates o grid location nito ay pumapatak sa karagatan malapit sa Brunei imbes na sa mismong kalupaan ng Quezon.
Dahil dito, inaasahang ilalatag ng mga grupo ang kanilang mga suhestiyon sa masusing pagbusisi sa mga proyekto, pag-iwas sa mga kuwestiyonableng alokasyon, at pagpapalakas ng pananagutan ng mga ahensiya at mambabatas sa paggamit ng pondo ng publiko.
Sa gitna ng mga panawagan para sa reporma, hamon ngayon sa Kamara kung susunod ito sa paninindigan ng Senado na higpitan ang paggamit ng pondo at tiyaking bawat pisong inilaan sa pambansang budget ay may malinaw na layunin at tunay na may pakinabang sa mamamayan.














