Higit apat pang tropical cyclones o bagyo ang inaasahan ng PAGASA na papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bago matapos ang taon, ayon sa state weather bureau.
Sa pagtatantiya ng ahensiya, maaari anilang may 1 o 2 bagyo ang pumasok sa PAR sa darating na buwan ng Nobyembre, gayundin sa huling buwan ng taon sa Disyembre.
Samantala, pagdadagdag pa ng ahensiya, may tyansa ring bumungad sa unang buwan ng 2027 sa Enero ang isang bagyo. Sa pagitan rin anila ng Enero hanggang Abril ng 2027, may tyansa ang pagpasok ng dalawang tropical cyclones sa PAR.
Sa kabilang dako, kasalukuyan namang nararanasan ang hagupit ng Bagyong Rosal sa Extreme Northern Luzon.
Bagama’t humina na ito sa mga nagdaang oras, kasalukuyan pa ring nakataas ang tropical cyclone wind signal no. 2 sa isla ng Batanes kabilang ang hilagang-silangang bahagi ng Babuyan Islands (Babuyan Island, Panuitan Island, Calayan Island, at Camiguin Island).
Nakataas din ang wind signal no. 1 sa nalalabi namang bahagi ng Babuyan Islands, mainland Cagayan, maging sa hilagang-silangang bahagi ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Santa Maria, Cabagan, San Pablo, Palanan), kasama ang buong lalawigan ng Ilocos Norte at Apayao.
Ramdam din sa ilang bahagi ng bansa ang ilang mga kalat na pag-ulan kung kaya’t pinaalalahanan ng ahensiya na manatiling nakatutok sa mga opisyal na ulat na inilalabas nito.













