Sa ilalim ng Executive Order No. 127, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng pambansang patakaran sa carbon market.
Layunin nitong bigyan ng pagkakataong kumita ang mga proyektong nakatutulong sa pangangalaga ng kalikasan at pagbabawas ng polusyon.
Sa sistemang ito, maaaring kumita ang mga magsasaka, komunidad at negosyo sa pamamagitan ng pagtatanim at pag-aalaga ng mga puno, paggamit ng malinis na enerhiya at iba pang gawaing nakakabawas sa greenhouse gases.
Maaari silang makatanggap ng carbon credits na maibebenta sa mga kumpanyang kailangang tuparin ang kanilang mga pangakong pangkalikasan.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, nais ng Pangulo na hindi lamang mapangalagaan ang kalikasan kundi magkaroon din ng dagdag na kita, trabaho at oportunidad sa kabuhayan ang mga Pilipino, lalo na sa mga komunidad sa kanayunan.
Gayunman, kailangang sumunod ang mga proyekto sa mga pamantayan ng pamahalaan at dumaan sa beripikasyon bago maging kuwalipikado sa carbon credits. Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang bubuo ng mga patakaran at magtatatag ng Philippine National Carbon Registry upang masubaybayan ang mga carbon credit at maiwasan ang pandaraya o dobleng pagbibilang.
Pangungunahan ng Climate Change Commission ang komiteng mangangasiwa sa pagpapatupad ng patakaran, habang magsisilbing pangalawang tagapangulo ang Department of Finance. Maaari ring gamitin ang kikitain mula sa carbon credits upang pondohan ang mga proyektong magpoprotekta sa mga komunidad laban sa epekto ng climate change, gaya ng matitibay na imprastraktura at pasilidad ng tubig.
Binigyang-diin ni Recto na hindi bagong buwis sa carbon ang ipinapataw ng kautusan.
Sa halip, inilalatag nito ang pundasyon para sa isang reguladong pamilihan ng carbon credits.
May 30 araw ang DENR mula sa bisa ng kautusan upang isumite ang panukalang balangkas sa komite, na magkakaroon naman ng 30 araw upang aprubahan ito.














