Nagpakita ng magkaibang pananaw sina Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito at Sen. Jinggoy Estrada kaugnay sa mga panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan kasunod ng kaniyang mga kontrobersyal na pahayag hinggil sa West Philippine Sea.
Ayon kay Ejercito, pinag-uusapan na sa Senado ang paglalabas ng resolusyon laban sa embahador na kaniyang inilarawan bilang “very rude, hostile, at undiplomatic” matapos nitong sabihing madaling matatalo ng China ang Pilipinas kung gagamit ito ng puwersa.
Naniniwala si Ejercito na mas makabubuting palitan na ng Beijing ang kanilang diplomat kung seryoso ito sa pagpapabuti ng bilateral na ugnayan ng dalawang bansa.
Sa kabilang banda, nanawagan naman si Estrada na pairalin ang diplomasya at paggalang sa batas sa halip na agad na maglabas ng deklarasyong persona non grata na maaaring magbunga ng hindi magandang epekto sa relasyon ng magkabilang panig.
Iginiit ni Estrada na mas maipapakita ng bansa ang kaniyang paninindigan sa pamamagitan ng matatag na paghawak sa 2016 Arbitral Award habang patuloy na nag-iiwan ng pintuan para sa diyalogo.













